IMG_4493

Sa gabay ng temang “Filipino, Wika ng Karunungan”, ipinagdiwang ng Pangasinan State University – Kampus ng Bayambang ang taunang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa noong ika-25 ng Agosto, 2016 na ginanap sa Himnasyo ng Benigno V. Aldana.

Sinimulan ang nasabing pagdiriwang sa pambungad na programa na ginanap noong ika-8 ng Agosto sa harap ng Main Building na dinaluhan ng mga guro, kawani at mag-aaral ng kampus.

Kaugnay ng pagdiriwang ang pagsasagawa ng mga patimpalak na hinati sa dalawang bahagi. Ang Alab, Sulo ng Diwa na nagtampok sa mga patimpalak na Baybaysining, Pagsulat ng Piyesa para sa Spoken Word Poetry, Pagsulat ng Sanaysay, KwizBibo at Tala Sali[n]taan na ginanap sa Departamento ng mga Wika, Gusali 1 at 2 noong ika-19 ng Agosto 2016 sinundan ito ng Pasiklaban ng mga patimpalak sa Malikhaing Pagkukuwento, Pagtatanghal ng Spoken Word Poetry, SaDulAwit at Musiklaban sa Himnasyo ng Benigno V. Aldana noong ika-24 ng Agosto

Inanyayahan bilang panauhing tagapagsalita si Prop. Jayson D. Petras, katuwang na Propesor sa UP-Diliman at isang Visiting Researcher sa Mahidol University sa Thailand sa pampinid na programa na ginanap sa Himnasyo ng Benigno V. Aladana noong ika-25 ng Agosto. Binigyang lawak ng kanyang talumpati ang wikang Filipino bilang bukal at daluyan ng kaalaman.

Samantala, nasungkit nina G. John Stephen Cacho at Bb. Lea Ramos, pawang mga mag-aaral na kumukuha ng kursong Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon, ang korona at titulo bilang Lakan at Lakambini ng Wikang Pambansa 2016.

Tagumpay sa muling pagpapaalab ng kamalayang pangwika at kultural ang naturang pagdiriwang sa pangunguna ng Kapisanang Sulo ng Diwa na pinangunahan ni Jeferson A. Austria bilang pangulo ng samahan at sa pamamatnubay nina Gng. Marilou A. Ferrer at Bb. Carla Grace P. De Leon ng Departamento ng mga Wika sa pamamahala ni Asst. Prop. Ma. Theresa E. Macaltao bilang tserman ng departamento at ng Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, Asst. Prop. Mary Ann C. Macaranas.